Friday, May 25, 2007

Pirates of the Caribbean: At World’s End

(review in Filipino)
Yo ho, suki!*
Rebyu ni Vives Anunciacion

Pirates of the Caribbean: At World’s End
Directed by Gore Verbinski
Starring Johnny Depp, Orlando Bloom, Kiera Knightley
GP/ 168 minutes
Walt Disney Pictures
*** (3 stars)



Tuloy ang pamimirata sa ikatlo at pinakamaaksiyon (pero malamang hindi pa huling) Pirates of the Caribbean kung saan magsasanib ang mga pwersa ng mga pirata laban sa East India Company. Huwag aalis ng sinehan hanggat hindi tapos ang end credits, dahil ang bonus na eksena’y malamang wala sa pirated dvd.

Nagpapatuloy ang mga adventures nina Captain Jack Sparrow (Johnny Depp), Will Turner (Orlando Bloom), Elizabeth Swann (Kiera Knightley) at Captain Barbossa (Geoffrey Rush) sa isang magulo, maaksiyon at makwelang palabas na magsasara sa mga kwento ng Pirates 1 at Pirates 2, pero magbubukas naman ng posibilidad para sa Pirates 4.

Sa At World’s End, magkikita sina Barbossa, Elizabeth at Will sa Singapore upang hingiin ang tulong ni Sao Feng (Chow Yun Fat) at ng lahat ng mga panginoon ng pirata para bawiin si Captain Jack Sparrow mula sa mala-purgatoryong Davy Jones’ Locker, at sa gayon din ay matanggal ang sumpa sa ama ni Will na si Bootstrap Bill Turner (Stellan Skarsgård).

Pero ang kanilang pagsasanib-pwersa ang maglalagay sa kanila sa kapahamakan dahil ang Royal Navy at ang East India Company, sa pangunguna ni Lord Beckett (Tom Hollander), ay susugod upang tuluyang burahin ang pamimirata sa karagatan, gamit ang makapangyarihang barkong Flying Dutchman sa ilalim ni Day Jones (Bill Nighy).

Tulad ng mga nakalipas na Pirates, convoluted pa rin ang malawak na kwento, makulay pa rin ang pananalita ni Barbossa at may pilantik pa rin ang mga daliri ni Jack Sparrow. Nagbabalik ang lahat ng nakagisnang karakter mula pa nang Pirates 1 at karamihan ng mga elemento ng Curse of the Black Pearl at Dead Man’s Chest ay bibigyan ng magarbong kahulugan (at katapusan?) sa At World’s End. Bida rin ang mga Asyano dito dahil mahusay ang labas ni Chow Yun Fat bilang pirate lord Sao Feng, pero huwag kaligtaan ang Fil-Am na si Reggie Lee bilang si Tai Huang na sidekick ni Sao Feng.

Di tulad ng Dead Man’s Chest na pantawid lang para iset-up ang ikatlong Pirates, mas may kabuluhan ang mga pangyayari at mas malaki ang aksiyon na parang walang katapusang amusement ride ang At World’s End mula puno hanggang dulo. Pero nagbabadya pa ang isang Pirates 4 na malamang may kinalaman sa Fountain of Youth. Kung ganito kasaya ang mga franchise movies, ok lang magkaroon ng ilan pang kasunod. Basta masaya. Sabi nga ni Beckett, “It’s all business.”


*my review for Pirates of the Caribbean: The Curse of the Black Pearl in 2003 was titled "Ahoy, dibidi, dibidi"

0 comments: