Wala nang next time
(in filipino)
Rebyu ni Vives Anunciacion
Documentary ni Davis Guggenheim
Featuring Al Gore
100 minutes/ GP
United International Pictures
Showing exclusively at SM Megamall and Mall of Asia
**** (4 stars)
Hindi pa uso sa Pilipinas ang global warming, pero base sa pelikulang ito, walang lugar sa mundo ang hindi apektado nito, at tayo ang dahilan kung bakit ito nagaganap. Manood at makinig, dahil ito na yata ang pinakamahalagang mensahe para sa ating henerasyon.
Unti-unti nang umiinit ang klima ng mundo at tao ang salarin. Sa pamamagitan ng mga chart at graphs, pinaliliwanag ni Al Gore, muntik na presidente ng US, ang pagtaas ng temperatura sa atmosphere at ocean surface sa nakaraang ilang taon, dala ng pagdami ng carbon dioxide at iba pang greenhouse gases. Kumakapal ang mga ito sa atmosphere dahil sa masibang paggamit ng tao ng fossil fuels (langis, gas at uling) pagkakaingin at pagsasaka. Amerika ang pinakamalaking salarin, na nagbubuga ng 36% ng total carbon dioxide na tinatapon sa atmosphere, kasunod ang China at India.
Sa isang clip ipinakita ng satellite image kung paano lumakas ang bagyong Katrina nang dumaan ito sa mainit na karagatan ng Gulf of Mexico bago tumuntong sa lupa. Ipinakita rin ang ilang lugar na dati’y balot sa yelo at glacier at ngayo’y tuyo na na parang disyerto. Dala ng mas mainit na atmosphere at karagatan ang pagtunaw ng yelo sa Antarctica at Greenland, pagtaas ng sea level, mas malakas na bagyo tulad ng Katrina at Milenyo, paglipat ng mga hayop at sakit sa mga bagong lugar, tagtuyot, fresh water shortage at ang pagkamatay ng maraming ecosystem.
Malinaw ang paglalahad ng pelikula at simplified ang pagpapaliwanang ni Al Gore. Ang An Inconvenient Truth ay isang dokumentaryo ng lecture ni Gore tungkol sa climate change. Nililibot ni Gore ang ibat ibang bayan upang iparating ang babala at ipaalam na hindi pa huli ang lahat. Madalas nakakagulat ang mga datos na ipinapakita niya para ipaliwanag na tao ang may kagagawan sa global warming.
Ang mahalaga ay may panahon pang nalalabi para aksiyunan ang problemang ito. Ayon nga kay Gore, hindi ito political issue kundi isang moral imperative. This is a very important film, with a very important and urgent message. Ang nakataya dito ay kaligtasan ng buong lahi ng tao. Parents, bring your children; teachers see this movie with your students.
Maaaring narinig na natin dati ang global warming o climate change, pero hindi natin ito pinansin. Ano ba naman ang malay nating mga Pinoy doon. Pero ang masakit na katotohanan, dapat nating aksiyunan ngayon ang mga paninirang ginawa ng ating henerasyon bago natin masasagot ang susunod na henerasyon kung ano ang ginawa natin sa kalikasan nila.
Walang excuse, walang pass muna dahil wala nang next time na darating.
Monday, February 05, 2007
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
0 comments:
Post a Comment