Monday, May 22, 2006
Ober da bakod (review in Filipino)
Rebyu ni Vives Anunciacion
Inquirer Libre May 21, 2006
Over the Hedge
Direksiyon nina Tim Johnson, Karey Kirkpatrick
Panulat nina Len Blum, Lorne Cameron
Base sa cartoon strip nina Michael Fry at T Lewis
Tampok sina Bruce Willis, Garry Shandling, Steve Carell
GP/ 83 minuto
DreamWorks Animation
Nakaramdam na ba kayo ng sugar rush? Yung mapa-palpitate ang puso niyo at makakaramdam ng pangangailangan para kumilos ng mabilis. Parang ganun ang Over the Hedge – malasa, mabilis at mapapangiti kayo sa saya.
Si RJ (boses ni Bruce Willis) ay isang maabilidad na raccoon na nasanay na sa junk food at kagamitan ng tao. Sa tindi ng gutom isang gabi ay madidisgrasya niya ang inipong pagkain ng isang nagha-hibernate na oso (si Vincent, binosesan ni Nick Nolte). Bibigyan ni Vincent si RJ ng isang lingo para mag-ipon ng kapalit na pagkain, kundi’y si RJ ang kakainin ng oso.
Samantala, magugulat na lang sina Verne (ang seryoso at mabusising pagong na binosesan ni Garry Shandling), Hammy (ang neurotic at hyper-active na squirrel, boses ni Steve Carell) at iba pang taga-gubat na mga hayop na may misteryosong bakod ng halaman ang bigla na lang lumitaw sa isang dulo ng kanilang kagubatan. Yun pala’y isang malaking subdivision ang sumakop na sa kabuuan ng dating malawak nilang tirahan.
Mapapadpad si RJ kina Verne samantalang pinagtatalunan ng mga taga-gubat kung ano ang nasa kabila ng bakod. Gamit ang kaniyang kaalaman sa buhay ng mga tao, gagantsuhin ni RJ sina Verne na tulung-tulong silang mag-ipon ng pagkain mula sa subdivision ng mga tao, pero hindi niya ipagtatapat na ang iipunin nilang pagkain ay para kay Vincent. Natural, kataku-takot na gulo ang mangyayari dahil dito bago maayos ang lahat.
Mahusay ang animation at mabilis ang mga pangyayari, kaya nakaaaliw panoorin ang Over the Hedge, na mula sa comic strip nina Michael Fry at T Lewis na unang lumabas sa Amerika noong 1995. Ayon sa mga gumawa ng pelikula, maituturing na parang prequel ang pelikula sa mga kaganapan sa comics dahil sa pelikula pa lang nagkakilanlan ang mga karakter. Maganda ang pagkakaboses ng mga aktor, kabilang na si Avril Lavigne bilang Heather na teen-ager na possum. Paborito ko ang super-bilis na si Hammy, na ang pangalan sa comics ay Sammy.
May kanipisan ang kwento ng Over the Hedge (kailangan lang nilang mag-ipon ng pagkain, gaya ng kwento ng Antz at A Bug’s Life noon) kaya siguro masigla ang paglalahad ng naratibo. Sa isang banda’y mariin nitong inilalarawan kung paano unti-unting inuubos nga tao ang natural habitats ng mga hayop. Pero hindi nito pinalawig ang sermon kung paano masama sa katawan ang pagkain ng puros junk food lang. Mahalaga sana itong health topic para sa mga batang manonood. Sa isang banda’y may mahalaga itong environmental message (pero lumang tugtugin na), sa kabila nama’y may isa pa itong mahalagang mensahe na hindi naman nito pinangatawanan.
Simula nang ipalabas ang Toy Story noong 1995, binakuran na ng Disney at Pixar Animations ang trono ng Animation hanggang sa huli nilang palabas na The Incredibles noong 2004 (liban nung 1998 at 2001 noong hindi sila nanalo ng Oscar para sa Best Animation). Depende kung gaano kaganda ang susunod na animation ng Disney at Pixar na Cars na ipalalabas ngayon ding taon, pwedeng agawin ng Over the Hedge ang tronong ito na huling nagawa ng DreamWorks Animation sa Shrek noong 2001.
Pero bago iyon mangyari, mag-exercise muna tuwing umaga para iwas-atake sa puso kakakain ng matatabang pagkain.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
0 comments:
Post a Comment